Sino ang iboboto mo sa darating na halalan? Yung naka dilaw, naka asul, naka-pink, naka-dalandan o yung nakabulaklaking polo? Teka patay na pala yung huli, sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa. At ano nga pala ang tagalog ng pink?
At teka ulit, ba't ba ako nagtatagalog? At kelan pa ako naging interesado sa pulitika?
Ito siguro ang napapala ng masyadong pagtangkilik sa mga kwento ni Bob Ong. Kund di mo kilala si Bob Ong siguradong di ka Pilipino. At kung Pilipino ka naman at di mo sya kilala, hindi ka Cool. Kung wala kang paki-alam libre mo na lang ako ng Monster Float at Cool ka na para sakin.XD
Oo nga naman. Bakit ba ako ingles ng ingles? Mas madaling magsulat at magbasa ng sariling lengwahe di ba? Maniniwala ka ba na-isulat ko ang lahat ng nasa itaas kasama ito sa loob lang ng dalawang minuto at labing-limang segundo. Cool. Ngayon alam mo na kung gaano ako kabagal magtipa.
Pero sa totoo lang minsan ko lang talaga kung gamitin ang Tagalog. At sa totoo lang isa ito sa pinakaayaw kong subject noong nag-aaral pa ako. Nagsimula yung pagkamuhi ko sa araling ito noong high-school ako ng nagbigay ng pagsubok yung guro ko tungkol sa kung ano yung nangyari kagabi sa teleseryeng Pangako Sa' Yo. Totoo! Walang halong biro! At sa mga kapanahunang yun, mas pinapanood ko pa yung Samurai X.
At ano bang paki ko kung ang pangalan ni Ton-Ton sa seryeng yun eh Eduardo? At mas lalong anong mapapala ko kung mag-ina pala si Amor Powers at yung bidang babae? At kelan pa naging compulsory ang panonood ng telenobela?
Aralin kasi namin noon ang tungkol sa kulturang pinoy, lalong lalo na ang paggawa ng pelikula, patalastas at kung ano ano pa patungkol sa pinilakang tabing. Pero di ko alam kong bakit sa dinarami-rami ng teleserye eh yung Pangako Sa 'Yo pa yung napili ni Ma'am. Kapamilya siguro. O sadyang adik lang. Kakaiba talagang magpower-trip ang mga guro minsan.
At isa pa di naman ako taga Luzon kaya ang nakagisnan kong wika ay iba. Pwede na rin siguro akong matawag na linguist. Sabi kasi nila, kelangan mo raw ng minimum na limang wika bago ka maturingang linguist.
Heto ang mga alam ko:
1. Tagalog/ Filipino - Pambansang Wika ng mahal kong Pilipinas. Ginagamit ng nakararami sa Luzon, sa mga programa sa telebisyon, ng mga taong ngayon lang nagkakilala at magka-iba ang probinsyang pinanggalingan kaya mag-kaiba ng dayalekto. Ginagamit rin ng mga taong trip mag-astang turista sa sariling probinsya.
2. English/Ingles - ikalawang wika ng mga Pilipino at pangunahing wika ng mga aso. Ewan ko ba pero kadalasan yung mga dog-trainer, ingles ang ginagamit sa pagbibigay ng utos sa mga alagang aso. Sit! Stand! Roll! Play dead! 1+1? At bakit kaya ingles ang naging ikalawang wika natin gayung mas matagal tayong nasakop ng mga kastila? Siguro ngayon wala akong trabaho kasi walang callcenter sa pinas.
3. Hiligaynon/Ilonggo - wika ng mga taong nakatira sa kanlurang bahagi ng Visayas. Ang unang wika na aking nakagisnan. Yung pa alon-alon yung tono na pag nagsasalita eh parang kumakanta pero pakantahin mo at sintunado naman. Malambing raw pakinggan. Yung tipong nag-aaway na pero akala ng ibang di nakakaintindi eh naglalambingan pa rin. Ay ambot na lang! Kung kabalo lang kamo. =p
4. Bisaya/Cebuano - sa totoo lang patuloy ko pa ring pinag-aaralan ang wikang to. May isang taon at anim na buwan rin pa la akong nagiging trying-hard na Bisaya. Kelangan eh. Dyahe naman kapag magtagalog ako o mag-iingles sa buong araw. Tip: Lagyan mo lang ng "jud", "mao", "di ay" at "pud", magtutunog bisaya ka na.
5. 1010101000100101/Binary/Computer Language - wala lang. Trip ko lang idagdag para maging lima. XD
Kung pano napunta sa Wika ang artikulong patungkol sana sa pulitika ay di ko alam. Ang wika kasi ang daming klase kaya mas mahaba-haba ang magiging usapin kesa pulitika. May dalawang klase lang naman ng kasi ng pulitiko: yung evil at yung lesser evil. At isa pa baka isipin ng iba kaya lang ako nagsusulat patungkol sa pulitika kasi...kasi...basta!=p
Pero siguro yung iboboto ko yung pulitikong magsusuot ng mga paborito kong kulay: pula at berde. Parang Christmas tree kasi kaya tiyak merong regalo parati.
Sa pangkalahatan, apatnaput-walong beses akong gumamit ng salitang ingles sa artikulong ito. Kung adik ka pwede mong bilangin. Hirap nga gumawa ng artikulong mas marami ang tagalog. Di pwede ang spell-check. Pero kung ano ang kahalagahan nyan, di ko alam katulad din ng di ko pa rin maarok na dahilan kung bakit ako kumuha ng Pangako Sa 'Yo na pagsusulit. Sabi nga resbakan lang yan. Pero para doon sa mga taong di naman talaga nagbabasa ng buong artikulo kapag nakitan napakahaba nito at kadalasan eh binabasa lang ang una at huling pangungusap..
Panahon na ng pagbabago. Palaging sigaw ng mga pulitiko tuwing halalan. Marami na nga ang nagbago, di na Pangako Sa 'Yo ang uso ngayon, Dahil May Isang Ikaw na ang patok ngayon pero yung magkatambal na bida ay pareho pa rin. May nadiskubre na ring bagong international language: yung internet lingo. Ang ganda nga eh, mabilisan lang kung isulat. OMG! WTF? WTH?! gtg. S***. LOL. LMAO. ROFL. RAWR.
Oo marami na rin ang pagbabago dala ng panahon pero marami pa ring Traffic lights na di naman gumagana, kalsadang parating under contruction, at pulitikong artista.
Isang tanong na lang ngayon ang bumabagabag sa mga Pilipinong may malasakit sa bayan. Isang tanong na maaaring magsimula nga ng pagbabagong tunay. Sino ang iboboto mo sa darating na halalan?
Pakatandaan na ikaw at ako ang simula ng pagbabago.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
matanong ko lang, ano nga ba ang Pilipino sa "evil" at "lesser-evil"? Maganda sanang malaman to nating lahat... - sam
babalikan ko to, mejo mahaba-habang usapan rin ang isang to.^_^
tama lang naman sa panlasa tong post mo ok nga eh!
- manuvutribe
Leave a Comment