May giyera ba?
Yan ang unang pumasok sa isip ko ng nabulabog ang mahimbing kong pagtulog dahil sa pagdaan ng helicopter na sibayan ng pagpapaputok ng kapitbahay ng whistle bomb habang umaawit pa rin si Kris Allen ng awiting humiling na sanay padalhan sya ng mga anghel ngayon. Nagtetesting siguro ng mga paputok para sa bagong taon si kapit-bahay. Kung nagtataka ka naman bakit biglang may dumaan na helicopter, nakatira kasi ako malapit sa kampo ng mga sundalo kaya paminsan-minsa may dumarating talagang katulad nyan. Minsan nga may tatlong magkakasunod-sunod na malaking trak ang may-angkas na mga sundalo. Minsan tuloy akala ko may kudeta na dito sa Cebu.
Pero kailangang matulog ulit. Malayo pa ang day-off kaya kailangang wag masyadong magpuyat. Pero biglang kumalam ang tiyan. Nagtalo tuloy si mata at tyan. Napaisip tuloy ako, ano kaya ang uunahin? Antok o gutom? At aking napagtanto, mahirap matulog ng gutom. Kaya panalo si tiyan.
Napagpasyahan kong pumunta na lang sa mall. Wala rin naman akong maisip kong anong masarap kainin kaya mabuti ng maraming mapagpipilian. Kaya hayun, nagbihis, naglakad, sumakay ng jeep na panay Call Center agents ang pasahero. Panay kasi ang pag-ingles at ang laman ng usapan any kung gaano ka bobo ng ibang Kano. Mejo sanay na rin ako sa paksang yan kaya itinudo ko na lang ang volume ng mp3 ko. Si Kris Allen ulit, humiling parin na padalhan sya ng mga anghel ngayon.
Nakarating rin ako sa destinasyon. Buti na lang may nakaunang lalaki sa 'kin. Na-unang mag-jay walking. Kaya hayun, pinapili ng pulis kung magbabayad ba sya ng isang daan o a-attend ng tatlong oras na seminar ukol sa traffic rules. Ako naman, napilitang maglakad papuntang pedestrian lane.
Sa wakas nakakain na rin. Doon ako sa restaurant ni John Lloyd kumain. Isang slice ng pizza, isang serve ng spaghetti, isang piraso ng manok at isang baso ng Coke. Solve! Busog na!
Lumibot-libot na rin ako sa mall. Iniwasan ko muna ang bookstores, ika nga eh, stay away from temptations muna. Tumingin-tingin na lang ako sa mga boutique. Nagbabakasakali na makahanap ng pwedeng isuot sa cosplay X-mas party.
Sumagi na rin sa isip ko na pag hindi ako makakita ng maisusuot ng tulad ng kay Haruno Sakura, siguro bibili na lang ako ng skirt, tapos sleeveless top, knee-lenght na stripes na medyas, tapos mag-two-two-ears, tapos bibit-bitin ko na lang yung death note ko at presto! Si Misa Amane na ako!
O di kaya gugupitin at tatagpi-tagpiin ko ang mga damit ko at gagawing mukhang basahan at presto! Si Cinderella na ako, nung mahirap pa nga lang sya. =p
Pero mas maganda ata yung suggestion ng kaibigan ko na maging Sleeping Beauty na lang raw ako, wala pang gastos. Di nga lang ako a-attend ng party. Pero pag may nagtanong kung bakit ako absent, sasabihin ko lang na si Sleeping Beauty ako nung gabing yun kaya nakatulog at di nakapunta sa party. haha. joke3x!
Ang saya kapag Disyembre ano? Lalo na pag may trabaho ka. Alam mo kasing halos triple ng buwanang sahod ang pwede mong iuwi. Pero kaliwat-kanan rin naman ang selebrasyon at gastos. Christmas party sa opisina, homecomings, party kasama ang mga kaibigan nung highschool at college at party sa bahay. Sabi nga kahit anong party na lang ang naiisip ng tao, makahanap lang ng dahilan na maubos ang 13th month pay. =p
Pero di lahat masaya tuwing pasko lalo na yung kung tawagin ay parte ng SMC (Samahan ng Malalamig ang Christmas). Yung theme song eh kung hindi yung Sana Ngayong Pasko eh Pasko na Sinta ko ang palaging pinapatugtog. Mag-eemote pa yan, dudungaw sa binta, titingin sa langit na tila malayo ang tingin at malalim ang iniisip. Yung iba, may kasama pang hikbi. Ewan. Sa akin lang, sanayan lang yan.
Pasko na nga naman at tila nga kay tulin ng araw. Pero sa ngayon, kailangan ko na munang ituloy ang naudlot kong pagtulog sa saliw pa rin ng musika ni Kris Allen. Sana nga'y padalhan ako ng anghel ngayong araw.^_^
Halo-halo
Posted in cebu, Christmas, food, kris allen, life, sleeping habits, work on 3:10 PM by kristine cuer
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Leave a Comment